Babaeng naghihintay ng masasakyan papuntang ospital, nanganak sa gilid ng kalsada

ABS-CBN News

Posted at Jul 13 2020 10:23 PM

GUIHULNGAN CITY, Negros Oriental - Inabutan na ng panganganak sa gilid ng kalsada ang isang babaeng naghihintay ng masasakyang tricycle papunta sana sa ospital nitong Sabado.

Sa retratong kuha ng Disaster Risk Reduction and Management Office ng Guihulngan City, na naka-post sa social media, makikita na hinahawakan na ng ama ang sanggol at hindi pa naputol ang umbilical cord nito.

Photo courtesy of Guihulngan City Disaster Risk Reduction and Management Office.

Umaga noong Sabado, naghihintay ng tricycle ang mag-asawang Jaymar at Jean Cei Villarente sa gilid ng highway ng Barangay McKinley para sana pumunta ng ospital.

Dahil sa nag-labor na ang asawa at wala pa ring masasakyan, pinaupo na lamang ni Jaymar ang asawa sa gilid ng kalsada. Pero hindi na napigilan ni Jean Cei at nailuwal na niya ang sanggol.

Si Jaymar ang sumalo sa sanggol. Sinabi pa niya na dahil sa madulas ang sanggol, nabitawan niya pa ito at nahulog ito sa damuhan.

May mga residente naman na tumawag sa rescue team na siyang nagdala sa mag-ina sa ospital. Sa emergency room na rin pinutol ang umbilical cord ng bata.

Sa huling linggo pa ng Hulyo inaasahang manganganak si Jean Cei.

Nagpapasalamat naman si Jaymar na malusog ang kanilang pangalawang anak.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.