Pulis timbog sa pangingikil sa Lipa City

Fred Cipres, ABS-CBN News

Posted at Jul 13 2019 07:37 PM | Updated as of Jul 13 2019 08:15 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Timbog ang isang pulis sa entrapment operation ng mga tauhan ng Integrity Monitoring and Enforcement Group o IMEG sa Lipa City, Batangas, Biyernes ng gabi.

Nakapiit ngayon sa detention facility ng IMEG sa Kampo Crame si Senior Master Sergeant Darwin Ona, nakatalaga sa Mataasnakahoy sa Batangas.

Ayon sa imbestigasyon, lumapit ang biktimang si alyas Conchita kay Ona at sa isang tauhan ng Philippine Air Force (PAF) para mabawi ang mga titulo ng halos lahat ng kaniyang mga ari-arian na isinangla umano sa bangko ng kaniyang caretaker na walang pahintulot niya.

Kuwento ni Conchita, sa pangalawang araw pa lang nilang nagkakilala ay hiningan agad siya ng P40,000 ng pulis. Ibinenta din ng biktima ang kaniyang SUV pero napunta ang pera kina Ona at sa tauhan ng PAF.

Matapos nito ay nanghingi pa muli ng pera ang dalawa sa biktima na kanilang tinakot pa.

Sa surveillance video, makikitang pumasok ng bahay ni Conchita si Ona. Umupo siya sa sala at tila merong pinirmahan na papel at iniabot ito sa biktima. Bumunot na sa bulsa si Conchita at iniabot ang pera.

Habang bininilang ni Ona ang pera, doon na pumasok ang mga operatiba at agad siyang inaresto.

Depensa ni Ona, napag-utusan lang umano siya.

"Ako po ay pulis na may dignidad. Ako po ay napag-utusan lamang singilin ang perang pagkakautang," sabi ni Ona.

Desido ang biktima na kasuhan ng extortion si Ona habang hinahanap na ng awtoridad ang tauhan ng PAF na sangkot din sa kaso


—Ulat ni Fred Cipres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.