Nilaglag ang isa't isa: 2 supplier umano ng shabu tiklo sa Davao buy-bust

Claire Cornelio, ABS-CBN News

Posted at Jul 13 2019 09:35 AM

Tinatayang aabot sa P80,000 ang halaga ng shabu na nakuha mula sa dalawang suspek sa Davao City. Claire Cornelio, ABS-CBN News

DAVAO CITY – Nalambat na ng awtoridad ang matagal na nilang minamanmanan na mga suspek na nagdadala umano ng hinihinalang shabu sa Barangay 23-C Isla Verde dito sa siyudad, Biyernes ng gabi.

Nakuha mula sa mga suspek na sina alyas Amad at Shasha ang 11 sachet ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P80,000.

Inilaglag naman ng mga suspek ang isa’t isa. Ayon kay Shasha, mula kay Amad ang mga droga at iniwan lang sa kaniya kapalit ng P500. Itinanggi naman ito ni Amad at itinuro si Shasha bilang nagbigay sa kaniya nito.

Nanawagan naman ng kooperasyon sa mga residente si Barangay Chairman Wating Usman at nangakong magbibigay ng P5,000 sa mga makapagbibigay ng kumpirmadong report sa mga sangkot sa ilegal na droga sa kanilang lugar.

“Basta sa ganitong trabaho, text o tawag lang kahit ‘di na kayo magpakilala basta magbibigay ako ng P5,000 kung positive ang ibibigay na impormasyon," sabi ni Usman.

Inaalam na ngayon ng pulisya ang pinagkukunan ng shabu ni Amad at Shasha.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.