Mayor Isko, DENR chief Cimatu nagpulong, nag-inspeksiyon ng estero sa Maynila

Jekki Pascual, ABS-CBN News

Posted at Jul 13 2019 12:33 PM | Updated as of Jul 14 2019 06:26 PM

Binigyang-diin nina Environment Secretary Roy Cimatu at Manila Mayor Isko Moreno ang kahalagahan ng paglilinis ng estero para hindi na maka-ambag pa sa duming napupunta sa Manila Bay. Larawan hango sa video mula sa Facebook page ni Isko Moreno

MAYNILA – Nagpulong sina Environment Secretary Roy Cimatu at Manila Mayor Isko Moreno dito sa siyudad Sabado ng umaga para pag-usapan ang iba’t ibang isyu tungkol sa kalikasan na kinakaharap ng lungsod. 

Marami sa mga maruruming estero ay nasa Maynila at sakop din ng lungsod ang bahagi ng Manila Bay.

Nag-inspeksiyon din ang dalawa sa Barangay 718 sa Maynila kung saan naroon ang Estero de San Antonio Abad. 

Watch more in iWant or TFC.tv

"Napakataas ng coliform level nito dati, abot ng 1.3 billion pero ngayon umabot na lang ng mga 10 million… mga ganun na lang. Pero i-continue pa rin nating linisin ito," sabi ni Cimatu.

Sa tinatayang 70 pamilyang dating nakatira sa gilid ng estero, nasa 20 na lamang ang natitira kaya't pinakiusapan din silang lumipat na sa relocation site sa Caloocan.

"Nandito tayo ngayon para tingnan ang progress ng informal settlers. Priority natin itong estero dahil pumupunta direct to the Manila Bay," pahayag ni Cimatu.

Ayon kay Cimatu, kailangang may tatlong metro na easement mula sa estero kaya lahat ng istruktura o gusali na lalabag dito ay kailangang gibain. 

"We will eventually demolish the fences para mag-comply sa batas which is 3 meters," sabi niya.

Para naman kay Moreno, isa lang muna ito sa aayusin nilang estero at magsasagawa pa ng maraming clean-up sa buong Maynila. 

"Ito ay one of many creeks of Manila na isa sa pinakamalaking contributor ng kadumihan ng Manila Bay," sabi ni Moreno.

Ikinatuwa rin ni Moreno na habang nililinis ang creek ay hindi pinabayaan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang mga informal settlers na nai-relocate sa loob din ng Metro Manila at hindi sa malalayong lugar.

"May puso naman ang DENR sa mga kababayan naming mahihirap na mailagay sa ayos 'yung maaapektuhang pamilya with regard to easement," sabi ni Moreno.

Hinikayat din ng bagong alkalde ang mga informal settlers na tanggapin ang relocation site.

"Kung tatanungin nila ang payo ko, dakmain na nila itong pagkakataong ito. You will never know kung mayroon pang pamahalaan na talagang lilingunin ng may konting titig sa sitwasyon nila," sabi niya.

Binalaan naman ni Moreno ang mga establisimyento na naisyuhan ng cease and desist order ng DENR na "magbilang na kayo ng araw."

"The moment ma-receive ko 'yung order ng DENR, we will follow because they know better than us with regard to protecting our environment," saad ni Moreno.

Aniya, maging ang pamahalaang lungsod ng Maynila ay sumunod sa kautusan ng DENR na ipasara ang Manila Zoo hangga't makapag-comply sila sa requirements.

"The same thing applies to big corporation. There must be certainty in the City of Manila when we implement rules and regulations," sabi niya.

Bumisita din si Cimatu sa Baywalk para mag-inspeksiyon sa patuloy na Manila Bay rehabilitation. Masaya naman siya at sinabing malaki na ang naging improvement sa lugar. 

Posible aniya na pwede nang mag-swimming sa Baywalk sa Disyembre.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.