Mahigit 100 kilong hot meat nasamsam sa Davao del Sur

Andoreena Caucason, ABS-CBN News

Posted at Jul 13 2019 03:00 AM

Nakumpiska ang 114 na kilong hot meat sa isang palengke sa bayan ng Bansalan, Davao del Sur Biyernes. Kuha ng NMIS-XI

Nasamsam ang 114 na kilong hot meat sa isang palengke sa bayan ng Bansalan, Davao del Sur, nitong Biyernes.

Wala umanong naipakita na meat inspection certificate ang negosyante. Sa halip na sa refrigerated van ikarga ang karne, isinilid lang ito sa sako at inilagay sa running board ng bus, ayon sa National Meat Inspection Service (NMIS).

Ang sako na naglalaman ng hot meat na nakumpiska sa isang palengke sa bayan ng Bansalan, Davao del Sur, nitong Biyernes. Kuha ng NMIS-XI

Ayon kay NMIS-Davao regional head Sofronio Lago Jr., makokonsiderang hot meat at mishandled ang karneng baka na pinaniniwalaang galing sa Kidapawan City.

Kinumpiska rin ang isang patay na kalabaw sa Digos City matapos pinaghinalaang "flooded" ito o pinainom ng maraming tubig upang bumigat ang timbang ng karne.

Hindi dapat ito kainin dahil sa kontaminasyon dulot ng maruming tubig na posibleng pinainom sa hayop, ayon sa NMIS.

Agad namang ibinaon sa lupa ang mga nakumpiskang karne.

Nagbabala ang NMIS na maaaring pagmultahin at kanselahin ang business permit at permit to operate ng mga vendor o dealer alinsunod sa Republic Act No. 9296 o ang Meat Inspection Code of the Philippines.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.