Mag-tiyuhin huli sa buy-bust sa Makati

Ernie Manio, ABS-CBN News

Posted at Jul 13 2019 10:13 AM

MAYNILA – Arestado ang mag-tiyuhin na dating kawani ng barangay sa ikinasang buy-bust operation sa Barangay West Rembo, Makati City, Biyernes ng gabi.

Alas-8 ng gabi nang magsagawa ng buy-bust ang pulisya laban sa target na si alyas Brian. Nahuli siya at kaniyang tiyo na nagsisilbi umanong runner.

“Hindi siya haharap agad. 'Yung tiyo niya ang mag-aabot o kaya saka ka niya dadalhin sa kaniya kapag bibili,” sabi ni Police Col. Rogelio Simon, hepe ng Makati City Police.

Nakuha mula sa dalawa ang 57 sachet ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga umano ng P30,000.

Sinermunan ni Simon ang dalawang suspek dahil dati silang kawani ng nasabing barangay. Nauna na silang tinanggal sa serbisyo nang makumpirmang gumagamit ng droga.

“Nung nag-random drug testing, nag-positive sila. Tinanggal sila. Ayun, kinarir nila ang pagbebenta,” ayon kay Kagawad Rodrigo Neri.

Dalawang taon din nakulong si Brian na kalalaya lamang nitong Pebrero.

“Nang makalabas, walang makitang trabaho. Ang masama, 'yung pagtatarya niya sa harap ng mga anak. Kung ano nakikita ng anak, iisipin nila na tama,” sabi ni Simon.

Hindi naman itinanggi ng mag-tiyo ang paratang.

Nahaharap ang dalawa sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.