Maglolo patay sa sunog sa Cagayan de Oro

Joey Taguba Yecyec, ABS-CBN News

Posted at Jul 13 2019 09:32 PM | Updated as of Jul 13 2019 09:59 PM

CAGAYAN DE ORO—Nasawi ang isang maglolo sa Barangay Canitoan, sa lungsod na ito matapos masunog ang kanilang bahay Sabado ng madaling araw.

Kinilala ang mga biktima na sina Bomidiano Ramoga, 64, at apo na si Chester Ramoga, 12.

Ayon sa asawa ni Bomidiano na si Corazon, ginising siya ng biktima dahil may makapal na usok sa loob ng kanilang bahay.

"Nang tiningnan ko sa labas, nag-aapoy na pala ang aming tindahan. Agad kong ginising ang aking anak na natutulog doon," ani Corazon.

Lumabas kaagad si Corazon kasama ang kaniyang anak pero dahil malakas na ang apoy, nahirapan na siya ulit pumasok sa bahay para tulungan ang asawa at apo.

Hindi na umano nakalabas ng bahay sina Bomidiano at Chester.

Walang nasalbang gamit ang pamilya. Nasawi rin ang kanilang mga alagang biik at naabo pati ang mga computer set na kanilang pinupuhunan.

Bahagyang napinsala naman ang 2 katabing bahay.

Hinala ni Corazon na ang binebenta nilang butane canister ang sanhi ng sunog.

"Meron kasing daing sa tindahan na pinupuntahan ng mga pusa kaya siguro nahulog ang butane at napunta sa nakasindi na katol. Gumagamit kasi ng katol ang aking anak tuwing matulog dahil sa lamok," paliwanag ni Corazon.

Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), natagpuan ang labi ni Chester sa loob ng banyo.

Ayon kay City Fire Marshal FSupt. Allan Cabut, posibleng nagising ang bata nang mangyari ang sunog at nagtago sa banyo.

"Hindi nasunog ang katawan ng bata so posibleng namatay ito dahil na-suffocate ng usok. Mentalidad kasi ng tao na kapag may sunog, magtatago sa isang close na room sa akala na hindi papasok ang usok o apoy," ani Cabut.

Nagpaalala ang BFP sa publiko na kailangang alam ng bawat miyembro ng pamilya ang exit plan sa kanilang bahay para sa tuwing may emergency, gaya ng sunog, ay hindi maulit ang ganitong pangyayari.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.