Ayon sa isang netizen, nahalata niyang may nangmomodus sa kaniya nang pahiran ng ketchup ang kaniyang buhok habang bumabiyahe pa-Buendia. Contributed photo
Pinag-iingat ngayon ang publiko sa umano'y modus ng mga mandurukot sa mga bus na pahiran ng ketchup ang kanilang target bago tangayin ang gamit ng biktima.
Kuwento ng isang netizen sa kaniyang Facebook account, nakasakay siya sa bus papuntang LRT station sa Buendia nang may kumalabit umano sa kaniyang lalaki.
May pulang stain umano sa kaniyang buhok at napansin niyang ketchup pala ito.
"He tapped me then [asked], "Miss ano 'yang nasa buhok mo, may sakit ka ba?" And paghawak ko nga sa buhok, may red stain and I immediately recognized it was ketchup," aniya sa post.
(Kinalabit niya ako at nagtanong siya "Miss ano 'yang nasa buhok mo?" At paghawak ko sa buhok ko may mantsa na pula. Doon ko napagtanto na ketchup pala 'yon.)
Aniya pa, sinubukan umano siyang i-distract ng isa pang lalaki at napansin niyang tinititigan ng kaniyang katabi ang kaniyang cellphone.
Agad umanong nahalata ng netizen ang modus ng tatlong lalaki at agad daw niyang kinuha ang alcohol sa kaniyang bag.
Napansin niyang nagsesenyasan ang tatlong lalaki kaya hindi na niya pinansin ang grupo hanggang sa makarating siya sa kaniyang pagbababaan.
Dagdag ng nag-post na tumangging magpapangalan na maayos ang pananamit ng mga kawatan at nakabihis na tila papunta sa trabaho.
Dahil dito, nanawagan siyang maging alisto sa kapaligiran.
"Don't let them get you off guard, and once you get off, go to a secure place and double check your valuables and report immediately if something was stolen, we have police officers naman around the area. And always don't forget to pray for safe travels," aniya.
Sa isang panayam ng ABS-CBN News, hinimok ni National Capital Region Police Office chief Police Maj. Gen. Guillermo Eleazar na agad na i-report sa pulisya ang mga kaparehang insidente.
Paliwanag ni Eleazar, wala pa umanong natatanggap na impormasyon ang kanilang tanggapan ukol sa mga naturang insidente.
Pinag-iingat din ng NCRPO ang publiko sa posibleng modus pa ng mga kawatan.
"Dapat nag-iingat din 'yung mga modus na ganyan, may similaritites. Una distraction 'yan… sa mga bus and even sa mga public places. Sa mga terminal puwedeng gawin and not just (in) ketchup style," ani Eleazar.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog News, ketchup modus, Buendia, bus, commuter modus, crimes, krimen, babala, abiso