Ilang mag-aaral sa Palawan, sinapian nga ba ng masamang espiritu?

ABS-CBN News

Posted at Jul 13 2019 07:08 AM | Updated as of Jul 13 2019 08:32 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

PALAWAN—Sinuspinde ang klase sa isang paaralan sa Barangay Rio Tuba sa bayan ng Bataraza matapos umanong sapian ng masamang espiritu ang ilang mag-aaral doon nitong Biyernes.

Ayon sa isang barangay health worker na si Naria Razul, 22 estudyante ang nagsisisigaw at hinimatay bago humandusay sa loob ng kanilang silid-aralan. Hinihinala nilang sinapian ang mga estudyante.

"Nagsisigaw sila, naninigas. Kung ano, iba iba 'yung sinisigaw nila. Tapos ang sinisigaw niya may 3 lalaki daw nakaitim. Tapos 'yung isang katabi niya ang sinisigaw niya, maingay, maingay," ani Razul.

Nagsimula umano ito pasado alas-9 ng umaga sa silid ng Grade 11 students na nasundan ng iba pang estudyante mula sa Grade 12.

Sa panayam sa isang estudyante na umano'y sinapian, nakita niya ang isang kaklase na may anino sa likuran hanggang sa siya na ang sumunod na hinimatay. Tila binubulungan daw siya na kailangang gibain ang gusali.

"Gusto kasi nilang ipagiba 'yung building. Meron daw isa sa kanila na namatay, so kukuha rin daw sila ng buhay," ani alyas Nene.

Sinasabing dating libingan ang isang ginagawang gusali sa eskwelahan.

"May pinapatayong bagong building dito at may mga malalaking puno. 'Yun ang naririnig ko kanina na pinag-uusapan ng mga tao doon. Parang 'yun ang dinadahilan nila," ani Razul.

Ayon sa principal ng eskwelahan, hindi food poisoning ang nangyari dahil wala pang recess nang mangyari ang insidente.

Pinauwi ang lahat ng estudyante ng eskwelahan.

Magsasagawa ng imbestigasyon ang paaralan sa weekend.

Magkakaroon naman ng prayer vigil ang mga guro at mag-aaral sa paaralan sa Lunes. — Ulat ni Lynette dela Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.