Guro inireklamo dahil sa 'pagsilip sa panty, pang-iinsulto' sa estudyante

ABS-CBN News

Posted at Jul 13 2019 05:55 PM | Updated as of Jul 13 2019 08:09 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA — Sinampahan ng reklamo ng isang magulang ang guro sa isang pampublikong paaralan sa Quezon City dahil sa umano'y pang-iinsulto at pang-aabuso sa kaniyang mga estudyanteng Grade 6.

Kuwento ng ina ng isa sa mga bata, bigla na lang umanong dumating ang kaniyang 11 anyos na anak sa kanilang bahay na umiiyak.

"Sabi niya 'Kasi po si sir, sinabihan kami... Finlashlightan po kami sa palda,'" wika ng ina.

"Noong finlashlightan po silang lahat, isa-isa po silang sinabihan... Pagdating doon sa anak ko inano niya 'yung flashlight sabi niya 'ay walang panty 'to.'" dagdag niya.

Dahil sa nangyari aniya, natakot nang pumasok ang kaniyang anak sa klase.

Nagsampa na rin ng reklamo ang ina sa eskuwelahan laban sa guro.

Ayon sa principal, isinumite na nila ang reklamo ng magulang sa Department of Education (DepEd) sa Metro Manila.

Tumanggi namang magpaunlak ng panayam ang guro na inirereklamo.

Magsasagawa naman ng imbestigasyon ang DepEd para matukoy kung mayroong nangyaring child abuse.

"Immediate po iyan kasi child abuse. Basta't something to do with child protection policy, we see it as a red flag," ani DepEd-NCR Regional Director Wilfredo Cabral.

Ayon sa DepEd, maaaring masuspinde o matanggal sa trabaho ang guro, depende sa magiging resulta ng imbestigasyon.

Maaari rin umanong sampahan ng kasong kriminal ang guro sa paglabag sa Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act.

-- Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.