Dating barker sugatan sa baril, saksak

Fred Cipres, ABS-CBN News

Posted at Jul 13 2019 09:24 AM

MAYNILA - Sugatan ang isang dating jeepney barker matapos umano barilin at saksakin ng dalawang dating mga kasamahan sa Marcos Highway, Pasig City, Biyernes ng gabi.

Ayon kay Police Col. Rizalito Gapas, hepe ng Pasig City Police, nakatayo sa kalsada sa ilalim ng footbridge malapit sa isang mall ang biktimang si Jason Palermo, alias Barabay, 29 anyos nang barilin sa paa ng isa sa mga suspek at saksakin sa noo ng isa pang suspek gamit ang icepick.

Nakilala lamang sa alyas na Nosi ang isa sa mga suspek. Matapos ang krimen ay mabilis na tumakas ang mga salarin.

Agad na dinala si Palermo sa Amang Rodriguez Medical Center.

Inaalam pa ang motibo sa krimen, pero posibleng may dati nang alitan ang biktima at mga suspek, ayon sa pulisya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.