6 bahay natupok sa Tondo; 18 pamilya apektado

ABS-CBN News

Posted at Jul 13 2019 04:53 PM | Updated as of Jul 13 2019 05:29 PM

MAYNILA — Anim na bahay ang natupok sa isang sunog sa bahagi ng Lakandula Street sa Tondo 1:30 ng hapon Sabado.

Ayon kay Senior Fire Officer 1 Jose Galuran, arson investigator ng Bureau of Fire Protection (BFP) ng Maynila, nasa 18 pamilya ang naapektuhan ng sunog na umabot sa ika-2 alarma.

Ilang minuto ring nagkaproblema sa suplay ng tubig ang BFP dahil walang malapit na fire hydrant sa lugar.

Dahil dito, kaniya-kaniyang salok ng tubig ang mga residente para mapabilis ang pag-apula sa apoy.

Rumesponde din sa isa pang sunog sa Quezon City ang ibang taga-BFP-Manila kaya kinulang ang kanilang suplay.

Bandang 2:35 ng hapon nang ideklarang fire under control ang sunog.

Inaalam pa ng mga awtoridad ang naging mitsa ng apoy.

—Ulat ni Henry Atuelan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.