3 magbarkada timbog sa buy-bust sa Davao

Claire Cornelio, ABS-CBN News

Posted at Jul 13 2019 10:38 AM

Dumayo pa mula Digos City ang mga suspek para umano kumuha at magbenta din ng droga sa Davao City. Claire Cornelio, ABS-CBN News

DAVAO CITY- Nahuli sa buy-bust operation ang tatlong magkakaibigan sa Barangay 32-D dito sa siyudad, Biyernes ng gabi.

Ayon sa pulisya, dumayo sa Davao City mula Digos City ang magkakaibigan upang kumuha umano ng supply at magbenta na rin ng ilegal na droga.

Nakuha mula sa kanila ang pitong sachet ng shabu, hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana, at gamit na may kinalaman sa droga.

Pero itinanggi ng mga suspek na sa kanila ang nakumpiskang droga.

Napag-alaman ng pulisya na ang kanilang transaksyon ay ginagawa sa loob ng kanilang sasakyan.

“Sa record ng Davao City Police, mako-consider natin sila na mga newly identified persons involved in illegal drugs," sabi ni Police Capt. Angelito Tape ng Sta. Ana Police.

Sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.