2 estudyante nakuhanan ng P1 milyong halaga ng umano'y marijuana sa Bulacan

ABS-CBN News

Posted at Jul 13 2019 09:23 AM | Updated as of Jul 13 2019 08:39 PM

BULACAN - Arestado ang 2 college student sa buy-bust operation sa bayan ng Balagtas, Bulacan bago magmadaling araw ng Sabado.

Nakumpiska sa mga suspek ang nasa 6 na bloke ng hinihinalang marijuana na may halagang P1 milyon.

Ayon kay Police Col. Chito Bersaluna, director ng Bulacan Provincial Police Office, isinagawa ang operasyon sa Barangay San Juan alas-12:10 ng umaga.

Watch more in iWant or TFC.tv

Hinuli ang 2 lalaki na may edad 18 at 21 nang mabilhan sila ng isang pakete ng umano'y marijuana.

Nadiskubre sa bahay ng 21 anyos na suspek ang mga bloke ng marijuana na may bigat na 5.5 kilo.

Ayon naman kay Police Maj. Restituto Granil, hepe ng Balagtas police, posible umanong galing Cordillera ang mga droga.

"'Yung isa sa mga suspek, siya pa mismo ang umaakyat sa Mountain Province. Nung nakausap natin ang magulang, sabi niya, nakita raw ng kaibigan niya na nasa Baguio ang anak. Nagtataka bakit andun sa Baguio ang anak," aniya.

Mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga suspek. - Ulat nina Ernie Manio at Fred Cipres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.