SONASERYE: Duterte, binigyan ng 'bagsak' na grado ng labor groups dahil sa 'endo'

ABS-CBN News

Posted at Jul 13 2018 09:08 PM | Updated as of May 29 2019 03:37 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Ngayong papalapit na ang ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte, binigyan siya ng bagsak na grado ng dalawang labor group dahil umano sa kaniyang kabiguang wakasan ang isyu ng kontraktuwalisasyon.

Matapos daw kasi ang paulit-ulit na pangako sa loob ng dalawang taon mula pa noong kampanya, talamak pa rin ang end of contract scheme o "endo" at iba pang paglabag sa karapatan ng mga manggagawa. 

Kaya kung bibigyan daw ng marka mula 1 to 10 si Duterte, 1 lang ang kaniyang nakuha ayon sa grupong Sentro ng mga Nagkakaisa at Progresibong Manggagawa (SENTRO).

"Bagsak talaga dahil sa amin ang pinakamahalagang sukatan ay kung meron ba talagang na-regular. Remember ang pangako niya ay wakasan ang kontraktuwalisasyon. Nagwakas ba? Hindi nagwakas eh. Imbes na magwakas, na-legitimize pa lalo ang contractualization," ani Josua Mata, secretary general ng SENTRO.

May mga naunang hakbang naman na ginawa ang administrasyon laban sa illegal contractual arrangements.

Naglabas ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng Department Order 174 at pinirmahan din ng Pangulo ang Executive Order 51.
    
Pero ayon sa SENTRO, walang bago dahil inulit lang ng dalawang kautusan ang mga dati nang nakasulat sa labor code.

Maging ang DOLE, aminadong may mga kompanyang matitigas ang ulo.

Matapos kasi nilang maglabas ng inisyal na listahan ng mga kompanyang may paglabag, imbes na i-regular ay mas maraming manggagawa pa umano ang sinibak.

"Stubborn 'yung companies. They think that they can delay but the legal processes have its limits...Ang importante diyan is the will to implement," paliwanag ni Labor Secretary Silvestre Bello III. 

Sa kabila nito, kumpiyansa ang DOLE na magbubunga pa rin ang kampanya nila kontra ilegal na kontraktuwalisasyon.

Katunayan, 182,000 workers na raw ang na-regular sa trabaho mula nang maupo si Duterte sa puwesto.

Pero pangamba ng Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP), mamumuti lang ang buhok ng mga manggagawa bago makamit ang hustisya.

"Iyung 182,000 na ito, ito 'yung manggagawang regular umano pero sa manpower service provider at contractor at middleman. Hindi sila regular sa principal business owner, sila ay contractual pa rin," pagbubunyag ni Alan Tanjusay, tagapagsalita ng ALU-TUCP.

Kaya para sa ALU-TUCP, bagsak din ang gradong maibibigay nila kay Duterte.

Kamakailan lang, lumabas sa report ng International Trade Union Confederation na isa ang Pilipinas sa "10 worst countries for workers" dahil sa kawalan ng proteksyon sa karapatan ng mga manggagawa.


—Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.