NFA naglunsad ng hotline kontra manlolokong rice retailers

ABS-CBN News

Posted at Jul 13 2018 10:09 PM | Updated as of Jun 27 2019 04:08 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Inilunsad ng National Food Authority (NFA) nitong Huwebes ang kanilang hotline na layong tugunan ang mga reklamo ng mamimili sa rebagging, resacking, overpricing, at mixing na ginagawa ng rice retailers.

Kapag tinawagan ang "NFA Kontra Abuso hotline" ay pupunta umano ang provincial manager o investigator sa lugar na inirereklamo ng mamimili para makumpirma kung totoo o hindi ang paratang.

Agaran umano ang aksyon ng ahensiya sa mga matatanggap na reklamo.

"Hindi na namin pinapaabot sa 72 hours basta maka-receive kami ngayon, immediately [aaksyunan] namin," paliwanag ni Edwin Mejos ng NFA.

Matagal na kasing problema para sa ilan ang panloloko umano ng mga tindero sa pamamagitan ng sari-saring paraan tulad ng paghahalo ng commercial at NFA rice.

Kuwento ni Vivencia Ando, nakagawian na niyang amuyin ang bigas na binibili para malaman kung NFA ito o commercial rice.

May mga mamimili ring eksperto na sa pagsusuri ng mga bigas.

"Ang NFA medyo buhaghag kapag malamig na. Matigas, at medyo matabang kesa sa commercial," paliwanag ni Chona Manalo, isang mamimili. 

Ang sinumang mapapatunayang lumabag ay kakanselahin ang lisensya at papatawan ng multa.

Para sa mga reklamo tungkol sa panloloko sa pagbenta ng bigas, maaaring tumawag sa NFA Kontra Abuso hotline sa numerong 0927-871-5921.

—Ulat ni Kori Quintos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.