3 umano'y magnanakaw ng motor patay sa engkuwentro sa Quezon City

Isay Reyes, ABS-CBN News

Posted at Jul 13 2018 02:59 PM

MANILA - Tatlong hinihinalang magnanakaw ng motorsiklo ang patay matapos umanong makaengkuwentro ang mga pulis sa Quezon City, Biyernes.

Ayon sa mga awtoridad, binaril ng mga pulis ang mga suspek matapos nitong lagpasan umano ang isang checkpoint sa Barangay Payatas at paputukan ang sasakyan ng mga pulis.

Inilagay ang checkpoint sa lugar matapos maghain ng reklamo ang isang Marvin Solo na umano'y nanakawan ng motor.

Ayon kay Solo, nagmamaneho siya sa East Avenue nang bigla siyang harangin ng mga suspek at saka tinutukan ng baril at pinababa mula sa kaniyang motor.

Nakuha ang 3 kalibre .38 na revolver mula sa mga 'di pa nakikilalang suspek.

Inaalam pa ng mga pulis kung kabilang ang 3 lalaki sa isang robbery holdup group sa lungsod.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.