12 opisyal ng CIIF-OMG, nagbitiw sa puwesto

Jervis Manahan, ABS-CBN News

Posted at Jul 13 2018 05:16 AM | Updated as of Jul 13 2018 01:22 PM

MAYNILA - Nagbitiw sa puwesto ang 12 opisyal ng Coconut Industry Investment Fund-Oil Mills Group (CIIF-OMG) bilang protesta sa pagtatalaga ng isang opisyal na anila'y may mga kasong kriminal at administratibo.

Inappoint ng Palasyo ang kasalukuyang miyembro ng board of directors na si Rehan Lao bilang president at CEO ng kompanya.

Ayon sa mga opisyal, may kaso sa Ombudsman si Lao sa hindi paghahain ng kaniyang statement of assets, liabilities and net worth (SALN).

May kaso rin umano si Lao ng misrepresentation dahil sinabi na umano niya sa kaniyang social media accounts na siya na ang presidente ng naturang kompanya.

Dahil diyan, nagbitiw sa puwesto ang chairman of the board na si Eddie Delima, ang kasalukuyang president ang CEO na si Benedicto Lor, at 10 iba pang opisyal.

Simula bukas, ititigil muna ang operasyon ng tatlong oil mills na pinapatakbo ng CIFF-OMG.

Ang 3 oil mills ay matatagpuan sa Iligan, sa Legazpi, Albay, at sa Bauan, Batangas.

Gumagawa sila ng crude coconut oil mula sa kopra na ine-export sa ibang bansa kaya inaasahan na makaka apekto ang resignation sa coconut oil exports. Apektado rin ang libo-libong magsasaka.

Nasa P400,000 daw kada araw kada planta ang mawawala dahil sa kanilang resignation.

Anila, tinanggap na ni Executive Secretary Salvador Medialdea ang kanilang resignation.

Kinuhanan na ng ABS-CBN NEWS ng reaksiyon si Lao pero wala pa siyang pahayag sa ngayon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.