Mabigat na trapiko, saglit na paghinto ng tren, asahan bukas: MMDA

ABS-CBN News

Posted at Jul 13 2017 07:35 PM | Updated as of Jul 14 2017 12:35 AM

Pinaghahanda na ang publiko sa pagbibigat ng trapiko bukas dahil bukod sa "Friday payday", isasagawa rin sa buong Metro Manila ang earthquake drill simula ika-4 ng hapon.

Dagdag pa riyan, saglit ding mawawalan ng kuryente at cellphone signal at panandaliang titigil sa biyahe ang MRT at LRT.

Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), hindi lalagpas ng 30 minuto ang buong drill ngunit magkakabuhol-buhol pa rin ang trapiko at sentro nito ang Ortigas Center.
    
"Expect the worst traffic for tomorrow," ani Celine Pialago, tagapagsalita ng MMDA. "Hindi namin ikinakaila na magdudulot talaga ng mabigat na daloy ng trapiko pero ito naman ay para sa kapakanan ng lahat... Kung saan lang magkakaro'n ng mga 'debris', saka lang magkakaroon ng rerouting,” ani Pialago.

Oras na pindutin na ang buton sa MMDA sa Orense, tutunog na ang mga alarma sa buong Metro Manila para sa ikatlong "shake" drill.

Matatapat ang drill sa kasagsagan ng uwian ng mga estudyante, labasan mula sa mga opisina, at inaasahang pagdagsa sa mga mall dahil "Friday payday".

Sentro ng shake drill ang business establishments, partikular ang kahabaan ng Emerald Avenue sa Ortigas, gayundin ang mga barangay sa 17 siyudad ng Metro Manila.

Bukod sa mabigat na daloy ng trapiko, asahan din ang eksenang kunwari'y uuga at magbabagsakan ang mga debris mula sa mahigit 30 gusali sa Ortigas.

Kasunod nito, mawawalan ng kuryente sa buong Metro Manila.

Hindi rin magagamit ang mga cellphone dahil mawawalan ng signal, at hindi uusad ang MRT at LRT.

Sinabihan naman ang publiko na huwag mag-alala dahil ibabalik naman agad ang kuryente, cellphone signal, at bibiyahe na ulit ang mga tren matapos ang 45 segundo.

Hindi naman anila aabutin ng isang oras ang shake drill at pinakamahaba na ang 15 minutes mula sa rescue operations hanggang sa makapunta sa Bicutan na gagawing command operations center.

Pinayuhan naman na makiisa ang mga aabutan ng shake drill bukas sa mga kalsada, partikular sa EDSA.

"Just participate. Kung nasa sasakyan kayo, traffic, narinig niyo ang siren, basic ho, paunahin natin ang mga ambulansiya,” payo ni Pialago.

Apat na araw ang shake drill at sasanayin kung ano ang mangyayari at gagawin ng lahat kapag may pagyanig na 7.2 magnitude.

Recovery operations naman at mga gagawin sa evacuation centers ang isasagawa sa Sabado.

Sasanayin naman sa Linggo ang paglalapat ng first aid, at proseso ng pagdala sa mga ospital.

Sa Lunes, bibigyan ng grado ang lahat ng sektor at lokal na pamahalaan, pati barangay kung handa na para sa lindol.

Sakaling may bumagsak, mainam na pa rin anila na malaman ang mga kakulangan at puntong dapat paghandaan at sanayin pa. -- Ulat ni Doris Bigornia, ABS CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.