3 sugatan sa banggaan ng van at ambulansya sa Palawan

Chinee Palatino, ABS-CBN News

Posted at Jul 13 2017 12:33 PM

Roxas Palawan MDRRMO

PALAWAN – Isang dayuhan at dalawang lokal na residente ang sugatan matapos magsalpukan ang isang tourist van at ambulansiya nitong Miyerkoles sa Brgy. Nicanor Zabala, bayan ng Roxas, Palawan.

May apat na pasaherong Italian nationals ang tourist van, ngunit ligtas naman ang tatlo.

Minor injuries naman ang tinamo ng driver at assistant driver ng ambulansiyang pag-aari ng pamahalaang lokal ng El Nido. Pabalik na umano sila ng El Nido nang mangyari ang aksidente.

Tumumba at nawasak ang parehong sasakyan dahil sa lakas ng impact ng banggaan.

"Malakas 'yung impact kasi siyempre high-speed vehicle ang mga ito, umuulan pa nung time na 'yun, ani Jerry Alili, hepe ng Roxas Municipal Disaster Risk Reduction Management Office.

Agad namang dinala ang mga biktima sa ospital.

Paalala naman ng MDRRMO sa mga motorista, magdahan-dahan sa pagmamaneho lalo na habang maulan dahil mas importante ang buhay kaysa sa hanapbuhay.

Binigyang-diin din na padaanin at paunahin sa kalsada ang mga bumabiyaheng ambulansiya, police car, at fire truck.

Patuloy namang iimbestigahan ng pulisya ang nangyaring insidente.