Nigerian, tiklo sa buy bust operation

ABS-CBN News

Posted at Jul 13 2016 10:25 AM

MANILA - Arestado ang isang Nigerian sa ikinasang buy bust operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Marikina Martes ng gabi.

Nakilala ang suspek na si Ejike Okoye, alyas Martin. Nahuli ito sa buy-bust operation ng PDEA NCR at Region 3 pasado alas-10 ng gabi sa isang resto bar.

Narekober sa kanya ang mga supot ng hinihinalang shabu na may 300 grams o nagkakahalaga ng P360,000.

Mariing itinanggi naman nito ang paratang. Wala daw siyang kinalaman sa bentahan ng droga at na-set up lang daw siya.

Pero ayon sa PDEA, kabilang si Martin sa West African Drug Syndicate, isang malaking grupo ng mga drug pusher sa bansa. May isang buwan din siyang sinundan ng mga operatiba mula sa Region 3 at NCR.

Nakatakdang sampahan siya ng kasong paglabag sa Section 5 ng Republic Act 9165 o selling of illegal drugs.

Samantala, dinala rin sa PDEA NCR office ang isang Korean na si Ahn Eunho, 24-anyos, matapos mahulihan ng hashish sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2.

Ang hashish ay klasipikado na mataas na uri ng marijuana. Mayroong 117 grams na nahanap kay Eunho na ikinubli pa niya sa kanyang underwear.

Tumanggi siyang humarap sa media.

Ayon sa PDEA posibleng pang personal na gamit ng Korean ang nakuhang hashish.

Nahaharap siya sa kasong paglabag sa Section 11 o possession of illegal drugs.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.