Driver ng rental van, natagpuang patay

Raffy Santos, ABS-CBN News

Posted at Jul 13 2016 10:04 AM

LAGUNA – Patay na nang matagpuan ang nawawalang rental van driver sa liblib na parte ng Sta. Rosa, Laguna.

Hindi napigil ni Jenny Mantile ang kanyang emosyon nang makita ang bangkay ng kanyang asawang si Jericho sa isang punerarya sa Sta. Rosa.

Driver ng isang rental van si Jericho at isang linggo nang nawawala matapos kumuha ng pasahero sa Pasay City noong Hulyo a-sais.

Mula noon, hindi na na-kontak pa ng kanyang asawa si Mantile.

Lingid sa kaalaman ni Jenny, natagpuan na pala ng Sta. Rosa Police ang bangkay ni Jericho sa isang liblib na lugar sa Barangay Malitlit noon din Hulyo a-sais.

Pero dahil wala itong pagkakakilanlan, hindi agad ito natunton ng kanyang pamilya.

Ayon sa unang nakakita, nakagapos at mukhang pinahirapan umano ang biktima base sa mga pasa nito sa mukha at leeg.

Blangko ang pulisya sa ngayon sa pagkakakilanlan ng mga suspek dahil madilim at masukal ang lugar kung saan natagpuan ang bangkay.

Nawawala rin ang minamanehong rental van ni Mantile na isang silver Toyota Hi Ace na may plakang AAQ 4369.

Naulila niya ang asawa at apat na anak sa Isabela.

Hiling ngayon ng pamilya ang hustisya para kay Mantiles.

Ito na ang pang anim na beses na may napatay na rent-a-car driver sa nakalipas na anim na buwan at hanggang ngayon, hirap tuntunin ng mga pulis ang mga salarin dahil pinapatay nila ang mga biktima.

Ang malinaw raw ayon sa pulis, gawain ito ng isang organisadong grupo na pinupuntirya ang mga rent-a-car.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.