PatrolPH

2 suspek sa pagpatay sa Nat'l Center for Mental Health chief arestado

Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Posted at Jul 12 2021 03:59 PM

2 suspek sa pagpatay sa Nat'l Center for Mental Health chief arestado 1
Pinaslang si NCMH director Dr. Roland Cortez at driver nito noong nakaraang taon. ABS-CBN News/File

MAYNILA — Arestado na ang 2 suspek sa pagpatay kay National Center for Mental Health (NCMH) director Dr. Roland Cortez at driver nito.

Naaresto noong Hunyo 25 sa San Mateo, Rizal ang mastermind umano na si Clarita Avila, dating chief administrative support service officer ng NCMH, na nakaalitan noon ng biktima. 

Noong Hulyo 2 naman ay boluntaryong sumuko sa pulisya ang sinasabing driver at bodyguard ni Avila na si George Serrano.

Ayon kay Quezon City Police District (QCPD) director Antonio Yarra, 4 ang talagang suspek pero at-large pa ang dalawa. 

Sa imbestigasyon ng QCPD, lumalabas na personal na alitan ni Avila at Cortez ang motibo sa pagpatay noong Hulyo 27, 2020. 

Ang sasakyan ni Avila ay sinasabing nakita umano malapit sa crime scene. 

Samantala, bagama't sumuko si Serrano, itinanggi niyang may kinalaman siya sa krimen. 

Hindi rin daw totoong bodyguard at driver siya ni Avila kundi isang janitor at maintenance lang daw siya sa NCMH. 

"Wala naman pong katotohanan yung mga ano sa akin. Nagtataka nga po ako," sabi ni Serrano.

Sabi ng QCPD, sa korte na lang daw sila magpaliwanag.

Patuloy naman ang follow-up operation ng mga pulis sa natitirang mga suspek na may warrant of arrest na rin.

KAUGNAY NA VIDEO: 

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.