PatrolPH

Higit 200 Taal evacuees sa Balete, Batangas nagsiuwian na

ABS-CBN News

Posted at Jul 12 2021 07:24 PM

BALETE, Batangas — Nagsiuwian na sa kanilang mga tahanan ang higit 200 residente sa bayan na ito na namalagi pansamantala sa evacuation center sa Barangay Malabanan dahil sa pag-aalboroto ng Bulkang Taal. 

Ani Balete Mayor Wilson Maralit nitong Lunes, nagsimulang magbalikan sa kani-kanilang tahanan ang mga residente noong Linggo ng umaga.

"Sila po ang nagdesisyon, nagpuntahan po sa akin... Inisip ho nila siyempre wala namang masyadong nadating na ayuda... hindi kagaya ng sa Agoncillo at Laurel," sabi ng alkalde.

Dagdag pa ni Maralit, ikinonsulta sa Batangas Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office ang hakbang bago pinayagang umuwi ang evacuees. 

Pinayagan daw ito ng opisina dahil hindi naman high-risk area ang Balete. 

Kinumpirma naman ng Balete Municipal Social Welfare and Development Office na pinapirma ang mga magsisiuwiang residente ng waiver. 

Sa tala ng LGU, bagama't nakauwi na ang higit 200 residente, may higit 100 pa rin ang hindi bumabalik sa Sitio Satin dahil sa takot. Kasalukuyan silang tumutuloy sa mga kakilala at kamag-anak. 

Handa naman daw ang LGU na tanggapin sa evacuation center ang mga residente kung sakaling lilikas ulit. 

—Ulat ni Andrew Bernardo 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.