MRT balik-operasyon simula Lunes

ABS-CBN News

Posted at Jul 12 2020 02:38 PM

MAYNILA — Muling bibiyahe simula Lunes, Hulyo 13, ang MRT-3 matapos makakuha ng sapat na bilang ng mga empleyado na negatibo sa coronavirus disease (COVID-19).

Magugunitang tumigil noong Martes ang operasyon ng isa sa mga pangunahing rail system sa Metro Manila kasunod ng pagtaas ng bilang ng mga empleyado nitong nahawahan ng COVID-19.

Sa tala noong Sabado, 1,093 MRT depot personnel at 1,010 station personnel ang nag-negatibo sa swab test.

Umabot naman sa 281 ang empleyado ng MRT na positibo sa COVID-19. Kasalukuyang naka-quarantine ang mga ito sa World Trade Center, Philippine Arena, at PhilSports Arena.

Pero 12 train set lang ang makabibiyahe simula alas-5:30 ng madaling araw sa Lunes.

Naglatag din ng health protocols ang pamunuan ng MRT para sa mga pasahero.

Kailangan munang mag-fill up ng health declaration form ang pasahero bago makasakay ng tren.

Sasailalim din sa 5-minute disinfection ng bawat tren pagdating sa North Avenue Station at Taft Avenue Station.

Kahit may biyahe na ang MRT, tuloy pa rin umano ang biyahe ng 90 unit ng bus augmentation program.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.