Waiter na muntik masapak itinangging may sinabing di maganda

ABS-CBN News

Posted at Jul 12 2019 06:30 PM | Updated as of Jul 12 2019 08:41 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Pinabulaanan ng waiter na tinangka umanong sapakin ng kinatawan ng Ang Probinsyano party-list na may sinabi umano siyang masama ukol sa kongresista, na siyang pinag-ugatan ng insidente.

Maaalalang nahagip sa CCTV si Ang Probinsyano party-list Rep. Alfred Delos Santos na muntik umanong saktan ang waiter ng restaurant na si Christian Kent Alejo noong linggo ng madaling araw.

Sa kaniyang paghingi ng paumanhin noong Huwebes sa radyo DZMM, sinabi ni Delos Santos na may ibinulong si Alejo na hindi niya nagustuhan kaya niya umano tinangkang sapakin ang waiter.

Pero sa panayam sa DZMM ngayong Biyernes, pinabulaanan ni Alejo na may sinabi siyang masama.

"Kitang-kita po sa camera... Paalis na po ako, tinawag niya po ako. Ang sabi niya sa akin, 'Bakit ang sama mo makatingin?'" aniya.

"Ang sagot ko doon, 'Di man po, sir,'" sabi ni Alejo.

Bukod dito, itinanggi ni Alejo na may tinanggap siyang kapalit sa paghingi ng paumanhin ng kongresista, na personal na pumunta sa kaniyang bahay, batay sa ilang salaysay umano sa social media.

"Kahit piso wala kaming hiningi sa kanila o kinuha sa kanila, 'yan po ang totoo," ani Alejo.

Una nang sinabi ni Alejo na nag-ugat umano ang lahat sa masamang tingin. Sinabi rin nito na tinanggap niya ang tawad ng kongresista sa kondisyon na gumawa ito ng public apology.

"Ang sabi ko kung hihingi ka sa akin ng despensa, mag-sorry ka sa taong bayan na may media, sabihin mo kung ano 'yung totoo," ani Alejo.

Sa isang pahayag naman, iginiit ni Delos Santos na hindi siya siga sa kabila ng insidente, at muling humingi ng paumanhin sa taumbayan at kay Alejo sa nangyari.

"I am not a bully or a troublemaker. Hindi po ako siga, astig or sanggano. The people who know me well can attest to that," ani Delos Santos.

"Upon reflection on what had happened, I am really sorry that I have reacted the way I did. I should have known better, for that I am truly sorry. My emotions got the best of me," dagdag niya.

-- May ulat ni Jose Carretero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.