Sundalong nagbebenta umano ng shabu, marijuana timbog

Claire Cornelio, ABS-CBN News

Posted at Jul 12 2019 06:41 AM | Updated as of Jul 12 2019 07:13 AM

Claire Cornelio, ABS-CBN News

DAVAO CITY—Arestado ang isang miyembro ng Philippine Army sa buy-bust operation sa Barangay 31-D, Davao City Huwebes ng gabi.

Nakumpiska sa suspek ang 3 pakete ng hinihinalang shabu at 1 pakete ng umano'y marijuana.

May ranggong staff sergeant ang sundalo na nakadestino sa 10th Infantry Division sa Mawab, Compostela Valley.

Ayon sa suspek, nag-optional retirement siya noong Nobyembre at naghihintay na lang sa utos sa itaas bago lumabas sa serbisyo.

"'Di ko alam pagdating ko, umupo ako at nag-usap kami. 'Di ko alam na buy-bust na pala iyon," aniya.

Nasa 21 taon na siyang nagseserbisyo sa Philippine Army.

Ayon kay Police Maj. Ronald Lao, station commander ng Talomo police, posibleng nagbebenta na ng droga habang nasa serbisyo ang sundalo.

"Siya ang nagbabagsak dito sa lugar. Makikita naman natin sa cellphone ang mga katransaksiyon niya," aniya.

Napag-alam ng mga pulis na mula Compostela Valley ang supply ng droga ng sundalo.

Mahaharap sa mga kasong kriminal at administratibo ang suspek.

 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.