Pinsan at kaibigan ng opisyal ng LTFRB sa Bicol, tiklo sa pangongotong

Karren Canon, ABS-CBN News

Posted at Jul 12 2019 08:49 PM

Tatlong lalaki, kabilang na ang pinsan at kaibigan ng opisyal ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board sa Bicol, ang inaresto sa entrapment operation matapos ireklamo ng pangongotong ng isang bus operator, Huwebes ng gabi sa Albay.

Nasa kostodiya na ng Criminal Investigation and Detection Group sa Albay ang 3 suspek.

Ayon kay Police Major Ronnie Fabia, provincial officer ng CIDG sa Albay, humihingi umano ng P180,000 ang isa sa mga suspek na nagpanggap na empleyado ng LTFRB sa Bicol sa biktimang bus operator para ma-release ang na-impound na bus.

Pero itinanggi ng suspek na nagpakilala siyang taga-LTFRB. Kaibigan umano niya ang regional director ng LTFRB-Bicol na si Vladimir Kahulugan kaya pwede siyang makatulong para mabilis na ma-release ang na-impound na bus.

Hindi naman umano siya humingi ng kapalit sa biktima. Ang alam niya lang may ibibigay lang sa kaniyang token bilang pasasalamat sa pagtulong pero di niya alam na pera ang iaabot nito sa isinagawang entrapment operation.

Aminado naman si Kahulugan na kaibigan nga niya ang lalaki pero hindi niya alam ang ilegal na gawain nito.

Pumupunta raw ito sa kanilang opisina dahil nangako na tutulungan siya sa pag-organisa ng launching ng mga makabagong jeepney.

Sa kabila nito, tiniyak ni Kahulugan na hindi na mauulit pa ang parehong insidente na dahil sa pagtitiwala, magagamit sa ilegal na transaksiyon ang pangalan ng kanilang opisina.

Nahuli rin sa operasyon ang pinsan ni Kahuluhan na empleyado naman ng Land Transportation Office sa Bicol, at isang driver na hinihinalang kasabwat sa insidente.

Ipinapaubaya na niya sa CIDG ang pagsasampa ng kaso laban sa tatlo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.