Pampuhunan, pambawi sa GF: 2 binatilyo timbog sa pagbebenta ng 'damo'

ABS-CBN News

Posted at Jul 12 2019 05:25 PM | Updated as of Jul 12 2019 08:33 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Timbog nitong Biyernes ang 2 binatilyo matapos silang magpositibo sa ikinasang buy-bust operation ng Quezon City Police District (QCPD) Station 11 dahil sa ulat na nagbebenta sila ng marijuana. 

Naaresto sina John Veloria at Ronel Estodillo, parehong 19 anyos, sa isang eskinita sa Barangay Tatalon, Quezon City. 

Narekober sa kanila ang isang plastic na naglalaman ng mga marijuana. 
 
Hindi naman tumanggi ang mga suspek sa nagawang krimen. 

"Tagahawak lang po ako ng mga binibigay... Hindi naman po tumataas ng P1,000 'yung binibigay sa akin, mga P500 lang," sabi ni Estodillo. 
 
"Napilitan lang po kaming gawin 'yon dahil pera dahil gusto po namin mag-umpisa ng negosyo po. 'Yung maliit lang kahit 'yung siomai-an lang," katuwiran ni Veloria. 

"'Tsaka nag-away po kami ng girlfriend ko. Nabasag ko po cellphone n'ya. 'Yun po paraan ko pambawi," sabi ni Veloria. 

Sa impormasyon ng mga pulis, mga estudyante at kabataan ang parokyano ng 2 binatilyo. 

"Malapit po sa mga eskuwelahan ang bentahan nila. Kaya po nag-follow up tayo at nakabili talaga tayo sa kanila," sabi ni Police Lt. Col. Carlito Mantala, hepe ng QCPD Station 11. 

Kinasuhan ang 2 ng paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

—Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.