Magsasaka, nakatama ng granada habang nag-aararo

RJ Rosalado, ABS-CBN News

Posted at Jul 12 2019 06:45 PM | Updated as of Jul 12 2019 07:02 PM

Nag-aararo si Albert Santiago nang makalkal ang granada sa Zamboanga City. Larawan mula sa Police Station 4

Isang granada ang narekober ng isang magsasaka sa Zone 4, Barangay Maasin, Zamboanga City, Biyernes ng umaga.

Base sa report ng Police Station 4, nag-aararo ang 40-anyos na magsasaka na si Albert Santiago nang aksidente niyang makalkal ang hand grenade.

Sa takot ni Santiago ay hindi niya ginalaw ang granada at ipinagbigay-alam niya ito agad sa mga pulis.

Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng Explosive Ordnance Disposal unit sa lugar.

Ayon sa EOD unit, hindi na sasabog ang MK2 hand grenade dahil wala na ang primary charge nito.

Posible umanong isa ito sa mga granadang ginamit noong panahon ng mga nagdaang digmaan sa bansa.

Nagpaalala naman ang mga pulis sa publiko na huwag galawin ang mga makikitang lumang pampasabog at ireport agad ito sa mga awtoridad.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.