Lalaki arestado sa pagnanakaw ng motor, pag-iingat ng droga sa San Juan

ABS-CBN News

Posted at Jul 12 2019 05:49 PM

MAYNILA — Naaresto noong gabi ng Huwebes ang isang lalaking sakay ng nakaw ng motorsiklo at nakumpiskahan ng ilegal na droga sa San Juan City.

Kinilala sa ulat ng Eastern Police District ang suspek bilang si Anthony Jusayan, 27, residente ng Barangay Additional Hills, Mandaluyong City.

Bandang alas-9 ng gabi nang mahuli si Jusayan sakay ng isang ninakaw na mountain bike sa Barangay Addition Hills sa San Juan, ayon kay Col. Ariel Fulo, hepe ng San Juan police.

Nakuhanan ng security camera noong Martes si Jusayan na tinangay ang 2 mountain bike na pag-aari ng isang magkapatid na nakatira sa Barangay Addition Hills, San Juan, ayon sa ulat.

Makaraan ang 2 araw, bumalik umano sa parehong lugar ang suspek lulan ng ninakaw na motorsiklo.

Nakita si Jusayan ng magkapatid na biktima, na agad umanong humingi ng tulong sa pulisya.

Nang kapkapan ng mga awtoridad, nakuha umano kay Jusayan ang isang sachet ng hinihinalang shabu at isang kitchen knife.

Narekober din sa follow-up operation sa bahay ng suspek sa Mandaluyong ang isa pang ninakaw na motorsiklo.

Nakadetene sa San Juan Custodial Facility si Jusayan, na kinasuhan ng theft, possession of illegal drugs, at possession of bladed weapon, ani Fulo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.