Kulay kalawang? Maynilad humingi ng pasensiya sa 'water discoloration'

ABS-CBN News

Posted at Jul 12 2019 05:56 PM

MAYNILA - Humingi ng pasensiya ang Maynilad Water Services Inc. sa gitna ng mga reklamong malabo ang kulay ng suplay ng tubig sa ilang lugar. 

"We apologize for the inconvenience and continue to ask for your patience and understanding as we try to mitigate the impact of the reduced water allocation on our operations," ani Maynilad sa kanilang Facebook page.

(Humihingi kami ng paumanhin para sa abala at patuloy na humihingi ng iyong pasensya at pag-unawa habang sinusubukan naming ayusin ang epekto ng pag-unti ng nakalaang tubig sa aming mga operasyon.)

 

Ipinaliwanag ng Maynilad na lumalabo ang kulay ng suplay ng tubig kapag nagkakaroon ng service interruption. Kapag itinuloy na ang water service, sumasama ang mga mineral deposits na nasa loob ng mga tubo dahil sa biglang lakas ng daloy ng tubig.

Inabisuhan ng Maynilad ang kanilang mga konsumer na kapag malabo ang kulay ng suplay ng tubig, patuluin lang ito hanggang sa luminaw. Maaari ring gumamit ng malinis na tela bilang pansala sa gripo. 

Ayon sa Maynilad, bumaba ang suplay ng tubig dahil sa pagdami ng lumot sa Laguna Lake at kakulangan ng suplay sa Angat Dam. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.