Kahit may PITX: Ilang pasahero, tsuper mas gustong mag-abang sa highway

ABS-CBN News

Posted at Jul 12 2019 07:49 PM | Updated as of Jul 12 2019 08:39 PM

Pinipili pa rin ng ilang pasahero na mag-abang ng sakay sa highway pa-probinsiya o pa-hilagang bahagi ng Kamaynilaan sa halip na sumakay patungo sa terminal. Screengrab

Siyam na buwan matapos ang opisyal na pagbubukas ng Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) – na integrated terminal sa timog na bahagi ng Kamaynilaan, mas pinipili pa rin ng ilang tsuper at pasahero na mag-abang ng sakay sa highway.

Ipinatayo ang PITX – isang "mala-airport" at modernong transport terminal para sa mga sasakay sa probinsiya para hindi na umano kailangang maghintay ng mga pasahero ng sakay sa kalsada.

Watch more in iWant or TFC.tv

Pero ayon sa ilang pasahero at tsuper sa Baclaran, inaabot ng 15 hanggang 20 minuto ang dagdag sa kanilang biyahe bago makarating sa PITX, na nangangahulugang dagdag na sakay at pasahe para sa mga commuter at bawas na kita para sa mga tsuper.

"Kakaunti po pasahero. Porysentuhan pa (ang pagpapasahod)," ayon sa tsuper na si Leo Matibag.

"Parang mahirap po, parang mas madali po kasi dito (sa highway) nasanay na rin po," ayon sa isang pasahero.

Aminado si Transportation Undersecretary Mark De Leon na hindi pa sanay ang mga tsuper at commuter pero mas marami na umanong tumatangkilik ng terminal kaysa nang unang buksan ito sa publiko noong Nobyembre.

"Hindi pa sila sanay. It’s about changing the behavior of the commuters and the drivers. Pero ngayon nasanay na sila," ani De Leon.

Base sa kanilang datos nitong Hunyo, umabot ng 55,000 ang bilang ng mga pasaherong gumagamit sa terminal araw-araw, mas malaki kumpara sa 9,800 pasaherong naitala noong Nobyembre 2018.

Samantala, 462 na ang nagagawang biyahe ng mga bus araw-araw nitong Hunyo kumpara sa 64 na biyaheng nagawa noong Disyembre 2018.

Ayon kay Land Transportation Franchising and Regulatory Board
chief Martin Delgra, plano nilang magpatupad ng fixed o pirming suweldo sa mga tsuper na kukuha at magbababa ng pasahero sa PITX.

Ayon kay Delgra, hakbang ito ng ahensiya para maka-engganyo ng mga tsuper na tangkilikin ang terminal.

Layon din ng gobyerno na magdagdag ng magbabantay sa kalsada at magtalaga ng dagdag na ruta patungong PITX para hindi na magsakay sa highway ang mga pasahero.

Nagdagdag din ng ruta ang PITX sa Marinduque, Daet, Camarines Norte, Camarines Sur, Albay, at Sorsogon.

Simula Hulyo 15 magkakaroon na rin ng biyahe papuntang Baguio City at maglulunsad na rin sila ng biyahe patungong Visayas at Mindanao.

--Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.