Inside job tinitingnan anggulo sa pagnanakaw sa bangko sa Binondo

ABS-CBN News

Posted at Jul 12 2019 09:24 AM | Updated as of Jul 12 2019 10:23 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA - Iniimbestigahan ng mga pulis ang posibilidad na may kasabwat na empleyado ng Metrobank ang mga nangholdap sa Binondo branch ng bangko, Huwebes.

Ito ay matapos mapansin ng mga awtoridad na madaling nakapasok ang mga kawatan sa bangko bago pa magbukas ito.

"It is very unusual na ang bank magbubukas ng ganung oras. This was before banking hours, around 8:43 a.m," sabi ni Manila Police District Director Police Brig. Gen. Vicente Danao Jr. sa isang panayam sa DZMM.

"How come pinagbigyan and pinagbuksan 'yung mga tao?" ani Danao.

"Bakit hindi man lang sila nakapag-react? Hindi man lang sila nakapag-prepare na wala naman silang ine-expect na bisita at that time?" aniya.

Dagdag n'ya, kahina-hinala rin umano na pinapasok mga salarin sa bangko kahit na naka-helmet ang ilan dito.

Nilinaw naman ni Danao na 5 lang ang magnanakaw na sangkot sa kaso.

Sa naunang pahayag ng mga pulis, 7 ang mga holdaper na nanloob sa naturang bangko sa Binondo.

"Originally po kasi 7 kasi in-assume natin na 'yung 2 nagbabantay sa labas, pero nung ni-review, 5 lang," saad ni Danao.

Patuloy na iniimbestigahan ng mga pulis ang kaso.

Hindi pa alam kung magkano ang natangay na pera mula sa bangko at maging ang mga pagkakakilanlan ng mga magnanakaw.

Nag-alok naman ng P1 milyong pabuya si Manila Mayor Isko Moreno para sa mga makakapagbigay ng impormasyon para maaresto ang mga kawatan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.