Houseboy tinaga, ginulpi ng nakilala online; ari-arian ng amo natangay

ABS-CBN News

Posted at Jul 12 2019 03:07 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sugatan ang isang 23 anyos na houseboy nang tagain at bugbugin umano ng 2 lalaking nakilala niya online sa bahay ng amo nito sa Bacolod City. 

Pinagnakawan pa umano ng 2 suspek ang amo ng biktima. 

Ayon kay Maj. Charles Gever, commander ng Bacolod City Police Station 8, nakipag-eyeball ang biktima sa mga lalaking nakilala niya sa social media at nagkayayaang mag-inuman sa bahay ng amo ng biktima noong Miyerkoles. 

Ipinakilala pa umano ng biktima ang 2 lalaki bilang kaanak. 

Pero makalipas ng ilang oras, tinaga at hinampas umano ng arnis stick ang biktima. 

Tinangay rin daw ng 2 lalaki ang laptop, alahas, at iba pang gamit ng amo. 

Agad namang isinugod sa ospital at bumubuti na ang kalagayan ng 23 anyos na lalaki. 

Pinaghahanap pa ngayon ang mga suspek, ayon sa amo ng biktima, pero aniya hindi niya maiwasang mag-alala na maaaring bumalik ang suspek sa kanilang bahay. 

Ipinaalala ng pulisya na maging mapanuri at huwag basta-bastang magtiwala sa mga nakikilala lalo na sa social media. 

-- Ulat ni Nico Delfin, ABS-CBN News 
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.