Gobyerno, mga eksperto nagkontrahan sa Hague ruling sa West PH Sea

ABS-CBN News

Posted at Jul 12 2019 07:15 PM | Updated as of Jul 12 2019 10:03 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Tatlong taon na ang nakalilipas mula nang mapanalunan noong Hulyo 12, 2016 ng Pilipinas ang makasaysayang arbitration case nito kontra sa dambuhalang China sa United Nations-backed Permanent Court of Arbitration (PCA) sa The Hague, Netherlands.

Pumanig ang PCA sa Pilipinas at base sa kanilang hatol, eksklusibo sa bansa ang lahat ng yamang-dagat na matatagpuan sa West Philippine Sea.

Ibinasura din nila ang hirit ng Beijing na ito ang may-ari ng aabot sa 90 porsiyento ng South China Sea sa ilalim ng umano'y "9-dash line."

Lumabas ang hatol sa pagpasok ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte, at simula noon ay nag-iba ang ihip ng hangin at tila naging mas mabait pa ang gobyerno ng Pilipinas sa China.

"The victory remains on paper. Obviously, the government has not asserted any part of the arbitration," giit ni Atty. Jay Batongbacal, isang batikang maritime law expert.

Isa rin si dating Solicitor General Florin Hilbay sa mga nagtanggol sa kaso ng Pilipinas sa PCA pero aniya, tila isinuko ng gobyerno ang panalo.

"The Duterte administration has decided to adopt a very submissive policy and that might result in a waiver of the decision entirely," sabi ni Hilbay.

Pero para kay Supreme Court Associate Justice Francis Jardeleza, mamanahin ng susunod na mga administrasyon ang problema sa pang-aangkin ng China.

"[T]his ruling will survive, I predict, the political winds. There will be changes in administration. I don’t know if within our lifetime it will be enforced, but this is going to be a continuing project of the Filipino people," aniya.

Pero paulit-ulit na sabi ng Palasyo, walang magagawa ang Pilipinas dahil kung igigiit ang ruling ay maaaring humantong ito sa giyera.

"What does these critics want the President to do? If they are in possession [of the territory] and there is a threat of war coming from them, then you want to tell me we’re going to risk the lives of our people by making aggressive actions?" sabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo.

Ayon naman sa isang analyst, maliwanag na may plano si Duterte patungkol sa sigalot sa China pero hindi ito tradisyonal.

"President Duterte is just being creative. He's taking a different approach in terms of how to enforce The Hague ruling," tingin ni Aaron Jed Rabena, research fellow ng Asia Pacific Pathways to Progress.

Pero kung paniniwalaan ang pinakahuling survey na inilathala ng Social Weather Stations (SWS), sinasabing halos 90 porsiyento ng mga Pilipino ang naniniwalang dapat ipaglaban ng gobyerno ang karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea alinsunod sa PCA ruling.

"There is a growing intensity of opposition on Chinese incursion in the West Philippine Sea," sabi ni Mahar Mangahas, presidente ng SWS.

Iginiit naman ni Panelo na kailanman ay hindi isinusuko ng administrasyon ang teritoryo at soberaniya ng Pilipinas.

Bagkus ay pinoprotektahan pa nga daw ito sa paraan ng patuloy na pakikipag-usap sa China at pagpapanatili sa magandang relasyong pang-ekonomiya ng 2 bansa.

—Ulat nina Christian Esguerra at Ron Gagalac, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.