Ex-opisyal ng Army, 2 iba pa timbog sa pangingikil ng P30-M sa Chinese

ABS-CBN News

Posted at Jul 12 2019 05:56 PM | Updated as of Jul 12 2019 08:36 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Arestado ng National Bureau of Investigation (NBI) Special Action Unit ang isang dating Army captain, pinsan nito, at isang Army reservist dahil sa pangingikil ng P30 milyon sa isang negosyanteng Chinese. 

Sa entrapment operation ng NBI sa Taguig City, huli sina dating Army Captain Mark Mediamar at pinsan nitong si Rustico Samarinta matapos nilang tanggapin ang maletang naglalaman ng entrapment money.

Sabi ng NBI, nagpanggap umanong NBI agent si Mediamar at binantaan ang isang Chinese national na ire-raid ang kaniyang negosyo sa online gaming kung hindi siya magbibigay ng P50 milyon, na natawaran ng P30 milyon.

"Ang sabi ng suspek illegal 'yung operation ng gambling. Pero alam nu'ng owner na legal 'yon. Tinatakot sila at na-paranoid naman," sabi ni Atty. Emeterio Dongallo, hepe ng NBI-SAU. 

Ayon sa mga awtoridad, ang kaibigan ni Mediamar na si Antonio Monte de Ramos, dating Army reservist, ang mastermind ng krimen. Limang taong driver ng biktimang Chinese si Monte de Ramos kaya't siya ang nagplano kung paano gagawin ang extortion. 

Umamin naman si Monte de Ramos at sinabing pinagsisisihan niya ang nagawa. 

"Nadala ako sa damdamin. Sapat naman ang kinikita ko na P20,000 tapos ito ang ginawa ko," aniya. 

Kulong ang tatlo sa kasong robbery-extortion. 

— Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.