3 pambato bilang House Speaker, nagpulong sa Taguig

Dexter Ganibe, ABS-CBN News

Posted at Jul 12 2019 12:03 AM | Updated as of Jul 12 2019 10:26 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA—Nagpakita ng pagkakaisa ang 3 pambato bilang speaker ng House of Representatives sa isang pulong na isinagawa sa Taguig City.

Nagsama sama sina Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano, Leyte Rep. Martin Romualdez at Marinduque Rep. Lord Allan Velasco sa nasabing pulong.

Sa kaniyang talumpati sa pagsisimula ng pulong, sinabi ni Cayetano na magpapatupad siya ng constitutional reforms sakaling iboto siya bilang House Speaker sa pagbubukas ng ika-18 Kongreso sa July 22. 

Tiniyak niya sa mga kongresista na miyembro ng PDP Laban ang budget ng gobyerno para sa rural development sa kanilang mga distrito.

Wala aniyang mapag-iiwanan at walang iiyak.

Pero hindi pa nito idinetalye ang nasabing budget dahil makikipagpulong pa siya sa gabinete at inaasahang sa majority caucus nito sa mga kongresista sa susunod na linggo, tiniyak niyang may good news siyang ibibigay sa kanila.

Isusulong din umano ni Cayetano ang reporma sa deputy speakership sa Kamara para mapabilis ang pagtugon sa mga national program ng administrasyon.

Bukod aniya sa deputy speakership para sa bawat lugar, magkakaroon din ng deputy speaker for finance, education, agriculture, economic reforms at iba pa.

Nakiusap naman siya sa mga kapulong na kongresista na kung maaari ay hanggang sa dalawang choice lang ng chairmanship ang mga second- o third-term congressman para maibigay naman sa mga bagong salta sa Kamara ang third at fourth choices nila na pagiging vice chairman.

Nakagawian na kasi sa Kamara na kapag unang termino lang ng kongresista, hanggang miyembro lang ito ng house committee.

May 61 regular committees at 14 special committees ang Kamara.