1 sugatan sa aksidente sa NLEX

Lyza Aquino, ABS-CBN News

Posted at Jul 12 2019 09:02 AM

MANILA - Sugatan ang isang lalaki matapos sumalpok ang minamanehong pick up sa isang concrete barrier sa Quirino Highway sa tabi ng North Luzon Expressway sa Balintawak, Biyernes.

Ayon sa driver na si alyas Jason, galing siyang Quezon City at papunta sa Bulacan para sa trabaho nang sumalpok ang kaniyang pulang sasakyan sa concrete barrier.

Sa lakas ng pagkakatama ay tumihaya ang sasakyan at nagtamo ng mga sugat sa braso ang driver na agad naman nalapatan ng paunang lunas.

Depensa ni Jason, wala umanong reflector ang barrier kaya hindi niya napansin ito.

Hindi naman niya sinagot kung siya ba ay nakatulog o inaantok nang bumangga sa barrier.

Alas-7:30 ng umaga nang naialis sa kalsada ang saaakyan at naging passable mula sa mga motorista ang kalsada, pero nagdulot ito ng pagsikip sa daloy ng trapiko sa lugar.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.