Truck sa Palawan, binato; 3 lalaki kalaboso

Chinee Palatino, ABS-CBN News

Posted at Jul 12 2017 03:40 PM

PUERTO PRINCESA - Kalaboso ang 3 lalaki matapos batuhin ang isang truck na bumabagtas sa Barangay Binduyan, Martes ng gabi.

Ayon sa pahinante ng truck, papunta sana sila sa bayan ng Roxas upang magdeliver ng mga grocery items nang bigla na lamang batuhin ng mga suspek na sina Freddie Mejares, Reidel Gabino, at Sarmiento Conde ang windshield ng sasakyan.

 

Nagsampa ng reklamo ang may-ari ng truck laban sa 3 lalaki dahil sa pagkakasira ng truck at pagkaka-antala ng kanilang negosyong pagdedeliver.

"Kung pera ang pag-uusapan, malaki mawawala sa amin doon pa lang sa per day na kita," saad ni Cromwell Dinate, operations manager ng kumpanyang may-ari ng truck.

Ayon sa mga awtoridad, kailangan magbayad ang mga suspek ng aabot sa P15,000 hanggang P18,000 dahil sa nabasag na windshield ng truck.

 

Ayon sa isa sa mga suspek, wala siyang matandaan sa nangyari dala nang labis na kalasingan.

Kakasuhan ang tatlong lalaki ng malicious mischief sa ilalim ng Article 327 ng Revised Penal Code.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.