Taxi, motorsiklo nagbangaan sa Cebu

Junrey Nadela, ABS-CBN News

Posted at Jul 12 2017 05:00 PM | Updated as of Jul 12 2017 05:10 PM

Courtesy of Mandaue City Command Center

MANDAUE CITY- Patay ang isang babae habang sugatan ang isa pa sa banggaan ng isang taxi at motorsiklo sa United Nations Avenue at D.M. Cortes Street dito sa siyudad Martes ng madaling araw.

Nakuha sa CCTV ang insidente, kung saan nagbanggaan ang dalawang sasakyan sa panulukan ng dalawang kalye. Tumilapon ang drayber ng motorsiklo at ang babaeng angkas niya.

Galing sa Marcelo Fernan Bridge ang taxi na paliko rin sana sa D.M. Cortes Street nang mabangga nito ang motorsiklong binabaybay ang UN Avenue.

Kinilala ang drayber ng motorsiklo na si Gideon Gerona at ang angkas niyang si Julie Mae Baco, ang kanyang kasintahan. Kinilala naman ang drayber ng taxi na si Julian Abendan.

Dead on arrival sa ospital si Baco habang nakalabas na ang sugatang si Gerona.

Nakipagkita na si Abendan sa pamilya ng biktima Miyerkoles ng umaga, kung saan napagusapan ng dalawang kampo na babayaran ng kumpanya ng taxi ang lahat ng mga nagastos sa ospital at maging ang pagpapalibing kay Baco.

Hindi na rin magsasampa ng kaso ang mga biktima laban kay Abendan.

Bukod sa aksidente, nakuha rin sa CCTV ang isang taong lumapit sa mga biktima at kumuha sa kanilang mga gamit.

Ayon sa pamilya ng mga biktima, wala na ang mga alahas at wallet ng mga ito.

Iniimbestigahan pa ng pulisya ang pagkakakilanlan ng taong nagnakaw sa mga biktima.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.