Sapul sa CCTV: kolektor ng upa, inabangan, hinoldap

ABS-CBN News

Posted at Jul 12 2017 05:31 PM | Updated as of Jul 13 2017 12:25 AM

Inabangan at hinoldap ng dalawang nakamotor ang isang kolektor ng upa sa apartment sa Abad Santos, Maynila.

Sa kuha ng CCTV, makikita ang pagdating ng dalawang magkaangkas sa motor sa Katamanan Street, Abad Santos, Maynila.

Pansamantalang pumarada at pumuwesto sila sa isang sulok. Pinaalis pa nila ang magkakariton na nakatambay roon.

Nang may dumaang mga pulis, bumaba ng motor at naiwan sa sulok ang isang nakasuot ng pulang helmet, samantalang lumipat naman ng puwesto ang driver ng motor. 

Ilang saglit matapos nito, makikitang paparating ang 22 anyos na si Jeffrey Berenguer na dala ang P65,000 na nakolekta mula sa pinauupahang apartment. 

Hinarang siya ng nakamotor, saka pinatabi sa sulok kung saan nakaabang ang kasama nito na umakmang may ilalabas na baril, ngunit hindi na nakita ni Berenguer kung ano ang dala ng suspek.

Ayon kay Berenguer, sinabihan siya ng mga suspek na huwag sumigaw. 

Dahil na rin sa takot, hindi na niya nagawang magsumbong kahit pa may mga dumadaang tao sa lugar. 

"First time ko lang talaga. Kinabahan ako. Natakot ako. Pinalabas 'yung pera. Kinuha nila," kuwento ni Berenguer. 

Napansin din niyang nakapantalon na pangpulis ang isa sa mga suspek, habang ang isa naman ay tila pamilyar umano ang boses sa kanya. 

Inaalam na ng barangay ang pagkakakilanlan ng dalawa na nakatakas dala ang pera ni Berenguer.

-- Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.