PatrolPH

PAKINGGAN: Singing sundalo, himig ng pag-asa ang dala sa mga ‘bakwit’

ABS-CBN News

Posted at Jul 12 2017 05:27 PM

Sa kabila ng patuloy na operasyon ng militar sa Marawi city, isang sundalo ang nagpalakas sa loob ng mga apektadong residente sa pamamagitan ng paglikha ng kanta tungkol sa muling pagbangon ng lungsod. 

Kung mga armas ang bitbit ng mga sundalo sa bakbakan, ibang sandata naman ang hawak ni Sgt. Ronie Halasan. Sa halip na mga bala, musika ang kaniyang pinakawalan hindi sa mga kalaban, kundi sa mga ‘bakwit’ na patuloy na umaasang matatapos na ang bakbakan.

 

Iisa lang ang menshae ng kanta—ang pagbangon ng Marawi mula sa digmaan. 

Naantig ang ilang bakwit sa musika ni Halasan. Ayon sa isang bakwit, kahit paano’y gumaan ang kaniyang kalooban habang naririnig ang kanta ng sundalo.

Kuwento ni Halasan, naging inspirasyon niya ang nakitang mag-ina sa war zone noong nag-uumpisa pa lang ang gulo sa Marawi.

Kaya naisipan niyang sumulat sa kaniyang asawa. 

Pero ang sulat na sana'y ibibigay para sa asawa, naging kanta para sa Marawi. 

“Sulat ako sa misis ko [na] baka hindi na ako makauwi, hindi niya alam na kanta na pala iyon,” ani Halasan. “Hindi tayo maging hopeless at maging masigasig, kaya nating bumangon. Nandito kami, ibalik natin ang dating Marawi.”

Apat na minuto ang haba ng kanta. Pero ang apat na minuto na, sapat na para bigyan ng pag-asa at lakas ng loob ang mga taga-Marawi na bumangon hindi lang para sa kanilang mga pamilya, kundi para sa lugar na minahal nila sa loob ng mahabang panahon. 

-- Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.