Paggawa ng healthy baon, itinuro sa mga nanay

ABS-CBN News

Posted at Jul 12 2017 07:28 PM | Updated as of Jul 12 2017 11:51 PM

Itinuro ng mga guro at isang environment group sa mga nanay sa isang eskuwelahan sa Quezon City ang iba’t ibang recipe gamit ang brown rice at malunggay.

Sa pagdiriwang ng Nutrition Month, kasama ang EcoWaste Coalition at mga guro ng Sto. Cristo Elementary School sa Quezon City, nagpakita sila ng iba't-ibang recipe na puwedeng iluto ng mga nanay na pambaon sa mga batang pumapasok sa eskuwela. 

Ilan sa itinurong recipe ay ang Pinawa pancakes, brown rice spring rolls, brown rice champorado bar, brown rice spaghetti at malunggay veggie mix, malunggay veggie patty, at marami pang iba.

Isinagawa ang programa para isulong ang pagkain ng masustansiya sa mga estudyante, alinsunod din sa polisiya ng Department of Education (DepEd) sa mga dapat ihanda o ibentang pagkain sa eskuwelahan. 

Base sa DepEd order 13 series of 2017 na policy and guidelines sa mga pagkain na ititinda o ihahain sa mga eskuwelahan at offices, kasama ang brown rice at gulay na malunggay sa green category na nangangahulugang dapat lagi itong available sa mga canteen. 

Samantala, mayabong din sa Sto. Cristo Elementary School ang urban gardening kung saan ang mga tanim na gulay tulad ng kangkong, malunggay, kalabasa at iba pa, ay ginagamit din ng eskuwelahan sa kanilang feeding program para sa mga estudyante. 

-- Ulat ni Kori Quintos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.