Mga biktima, habambuhay dadalhin ang 'sugat' mula sa lindol

Nina Jorge Cariño at Melanie Bingco, ABS-CBN News

Posted at Jul 13 2017 01:10 AM

Sa anak humugot ng lakas ng loob ang nanay na si Jebelyn Omolon, nang malibing sila sa gumuhong gusali sa Kananga, Leyte matapos ang malakas na lindol.

Kasama niya ang apat na taong gulang na si Sanjo at pitong taong gulang na si Aina nang matabunan sila.

Kuwento ni Jebelyn, nagsabi na siya sa mga anak niya na mamamatay na sila.

Pero, nanatiling positibo ang kanyang mga anak na nagsabing makakalabas pa sila sa guho.

Ayon kay Jebelyn, si Aina ang nagpalakas ng loob niya para gumapang, maghanap ng daan palabas at tawirin ang higit limang oras na pagkakalibing nila sa guho.

Ang anak din na si Lezel ang gumising sa diwa ng mga magulang niyang nawala sa sarili nang makita siyang durog na ang paa dahil sa pagkahulog sa bumukang lupa na nagbukas-sara at nag-umpugan ang bato noong lumindol.

Ayon sa tatay ni Lezel na Jun Atizon Jr., nag-iiyak na lamang siya dahil sa sobrang awa sa anak pero natauhan din nang magsalita na si Lezel at magpahatid sa ospital.

Pero ang masakit, nang maoperahan na, hindi pa pala alam ni Lezel na naputulan na siya ng paa.

Patuloy pa ring nagpapagaling sa ospital si Lezel at ayon sa doktor, pwede pa siyang makalakad uli sa pamamagitan ng prosthesis.

Nanay naman ang tinubos ng lindol mula sa apat na buwang gulang na si Cris Michael.

Namatay ang nanay niyang si Rhissa habang inililigtas ang anak sa gumuguhong pader.

Inilibing na si Rhissa kanina.

Sa Ormoc City, dalawang estudyante naman ang nasugatan sa ulo matapos mabagsakan ng dingding nang magkaroon ng malakas na aftershock sa Sitio Maglahog sa Bgy. Gaas.

Ang isang onse anyos na estudyante, nadaganan ng bumagsak na hollow blocks.

BASAHIN: 

Ayon sa doktor, kailangang ipasuri sa spine surgeon ang bata na may konting bali sa kanyang kanang kamay pero nalagyan na ito ng cast.

Dadalhin sa Cebu ang pasyente para maipagamot.

Mistulang ghost town na rin ang Sitio Maglahog, matapos magsilikas ang mahigit 100 pamilya matapos ang lindol.

Samantala, nagpatupad kanina ng pre-emptive evacuation ang lokal na pamahalaan ng Ormoc sa Bgy. Danao dahil sa banta ng landslide.

Inilipat ang mga residente sa gym ng Barangay Dolores at Luna.

-- May ulat ni Oman Bañez, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.