Mas malaking tents, hiling para sa evacuees sa Ormoc

ABS-CBN News

Posted at Jul 12 2017 12:25 PM

Nangangailangan ng malalaking tents ang evacuees sa Ormoc matapos masira ang kanilang mga tirahan noong tumama ang magnitude 6.5 na lindol sa Leyte.

Ayon kay Ormoc Mayor Richard Gomez, tatlong tao lang ang kasya sa mga tent na unang naibigay sa kanila bilang donasyon.

Dagdag pang dagok sa mga residente ang pagbuhos ng malakas na ulan at ang sunod-sunod na aftershocks magdamag.

"Marami ang mga private donations ang dumadating at nagpapasalamat kami sa [Department of Social Welfare and Development] at may dumating na galing sa region. Ang hiling namin sana ay kung maka-provide sila ng mas malaking tent, para kasya ang pamilya sa isang tent," dagdag pa niya.

"Hinahanapan pa namin ng ibang lugar ang ibang evacuees para mailagay sila sa mga basketball courts," paliwanag ni Gomez.

Pabigat din sa evacuees ang kawalan ng kuryente sa probinsya, na maibabalik sa loob ng isa hanggang dalawang araw, ayon sa Department of Energy.

Hindi pa pinayagan ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na bumalik ang evacuees sa kanilang mga barangay dahil masyado pang delikado dala ng tension cracks at wala ring tigil na malakas na ulan sa lugar.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.