Magkapatid, timbog sa droga sa GenSan

Chai Tabunaway, ABS-CBN News

Posted at Jul 12 2017 10:47 PM

Arestado ang magkapatid sa isang operasyon kontra droga na ikinasa ng Philippine Drug Enforcement Authority (PDEA) Region 12 sa General Santos City Miyerkoles ng madaling araw.

Armado ng search warrant, pinasok ng PDEA 12 ang bahay ni Michelle Allaga, isang negosyante, Barangay Katangawan, General Santos City.

Matapos halughugin ang bawat sulok ng bahay, nakita sa isang kabinet ang ilang sachet ng hinihinalang shabu na tinatayang nasa 150 gramo at may halagang P750,000.

Narekober din ng awtoridad ang passbooks at bank accounts ni Allaga na may daan-daang libo hanggang P1 milyong pisong mga transaksiyon.

Itinanggi ni Allaga na sa kanya ang ilegal na drogang natagpuan umano sa kanyang bahay. Paliwanag niya, planted lang ang mga ito.

"Hindi talaga. Sa totoo lang, I'm so happy na ni-raid nila ako and I'm safe kasi 'yung ibang nahuhuling suspek, 'yung iba, pinagbibintangan na nanlaban, na-frame up, planted 'yung ebidensiya. Though 'yung sa akin, planted 'yun. At least I'm safe," aniya.

Dagdag pa niya, may naiinggit lang umano sa kanya.

"Ganito 'yan, sa barangay namin, 'pag 'di ka nakakahukay ng ginto, bumibenta ka ng shabu 'pag umaasenso ka. Kasi kinukuwestiyon nila bakit raw ako maraming truck. Inutang ko 'yun, kasi kailangan ko 'yun. Actually marami akong truck pero utang 'yan. Hindi pa 'yan bayad," paliwanag ni Allaga.

Iginiit din niya na galing sa malinis at pinaghirapang pera ang pumapasok sa kanyang account.

Ayon naman kay PDEA 12 Regional Director Gil Castro, itinuturing na "high-value target" si Allaga dahil sangkot din umano ito sa money laundering.

"More of money laundering. They have to wash the money to make it appear na 'yung illegitimate money will have to go through a process sa isang legitimate corporation like this, para sa ganoon, pagkalabas niya na galing siya sa legitimate source. I-a-unmask ko 'yung tunay na pagktao niya sa susunod na mga araw," aniya.

Sinalakay rin ng PDEA ang bahay ng kapatid ni Michelle na si Melvin Rey Allaga sa bayan ng Malungon sa Sarangani Province.

Nakuha umano sa kwarto nito ang nasa 50 gramo ng shabu na nagkakahalagang P250,000.

Ayon din sa asawa ni Melvin, planted lamang ang ebidensiya at wala umanong ginagawang iligal ang kanyang mister.

Inakusahan din niya ang PDEA dahil sa umano'y nawawala niyang gamit.

Isasailalim si Melvin sa masusing imbestigasyon para malaman ang kaugnayan nito sa umano'y iligal na gawain ng kapatid.

Sa kabuuan, tintayang nasa P1 milyong piso ang nakuhang ilegal na droga sa magkapatid, na haharap sa kasong illegal possesion of dangerous drugs.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.