Lalaking nakamotor, patay matapos magulungan ng trak

ABS-CBN News

Posted at Jul 12 2017 04:47 PM

Patay ang lalaking nakamotorsiklo matapos magulungan ng 12-wheel truck na may dalang buhangin sa Barangay Muzon, Taytay, Rizal noong Huwebes.

Sa kuha ng CCTV, sumemplang ang isang motorsiklo matapos mabangga ang isa pang motorsiklo. 

Pagkatumba nito, saka naman dumating ang 12-wheel truck at nasagasaan ang lalaking sakay ng motor. 

Ilang sandali pa, umatras ang trak at napatay ang lalaking kinilalang si Amwar Mananquil, 25 anyos.

Ikinasasakit naman ng loob ng ama ng biktima ang nangyari.

“Hahanapin ko hustisya niya. Hindi ako titigil hangga’t di nakukuha ang hustisya. Kasi anak ko mabait,” ani Adorado Mananquil, ama ng biktima. 

Sa imbestigasyon, ino-overtake ng dalawang motorsiklo ang convoy ng mga trak na may dalang buhangin.

Galing Porac, Pampanga ang mga trak at magde-deliver ng buhangin sa Cardona, Rizal. 

Inamin naman ng driver na si Peejay Tayag na inatras niya ang minamanehong trak.

“Um-overtake siya, tumama sa motor na kasunod niya. Sumemplang siya. Sinudden brake ko. Di na kinaya. May tumawag sa akin, sumigaw: 'iatras mo, baka mabuhay pa' Kasi di naman nasagasaan pero nakakalso,” salaysay ni Tayag. 

Pero hindi kumbinsido rito ang ama ng biktima at naniniwala siyang sinadyang sagasaan ang kanyang anak.

“Komo sila convoy nayabangan, tinawag sa harapan. Sa halip na iwasan. Sinagasaan. Ano dahilan bakit sasagasaan. Sinadya niya ‘yun. Di homicide ang nangyari. Murder ‘yun,” ani Adorado.

Isa pang pinagtatakahan ng pamilya Mananquil ay kung bakit may kasamang mga pulis sa pagde-deliver ng buhangin.

Napag-alaman kasing kasama ng driver sa trak si PO2 Jorge Rivera na nagpakilalang pahinante. Nasa kabilang trak naman si PO1 Richmond Macam. 

“Nag-eescort sa mga nagdedeliver ng buhangin… ‘Yun nga questionable sa akin. Nilinis ang crime scene. Dumating ang invest ng Taytay, umaayon lang do’n sa sinabi ng mga pulis,” ayon kay Adorado.

Depensa naman ng mga pulis, nakikisabay lang sila sa trak.

“Nakisabay lang kami. Kilala ko ‘yung may-ari ng trak. Pupuntahan namin pinsan ko, maghiram ako ng pera sa Antipolo,” ani Rivera.

“May utang kasi siya sa akin. Sinamahan ko lang,” ayon naman kay Macam.

Parehong off duty ang mga pulis nang sumama sa delivery. 

Samantala, kulong pa rin ang driver na nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide and damage to properties.

-- Ulat ni Ernie Manio, ABS CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.