Dating Marine, arestado sa Makati

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Jul 12 2017 03:32 PM

Arestado ang dalawang lalaki na inirereklamong pinagbantaan ang isang waiter sa videoke bar sa Makati nitong Martes.

Kinilala ang mga suspek na sina Edward Baliguat, Jr., dating miyembro ng Philippine Marine, at si Jamil Labuan.

Kuwento ng cashier na si alyas "Mitch", lasing na dumating ang mga suspek sa videoke bar at hinanap ang isang waiter.

Napag-alamang dati nang may alitan sina Labuan at ang naturang waiter.

Agad namang inaresto ng pulisya ang dalawang suspek matapos makatanggap ng sumbong galing sa waiter tungkol sa banta ng mga suspek.

Narekober kay Baliguat ang isang kalibre .45 na baril na may papeles ngunit walang permit to carry.

Napag-alaman din na discharged na sa serbisyo si Baliguat.

Kapwa itinanggi ng mga suspek na nanggugulo sila at sinabi ring hindi sila naghahanap ng away.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.