Bata, nabagsakan ng hollow blocks sa pagyanig sa Ormoc

ABS-CBN News

Posted at Jul 12 2017 02:04 PM

Patuloy na nangangamba ang mga nakaligtas sa lindol sa Ormoc, Leyte lalo pa’t sinasabayan ng matinding pag-ulan ang maya’t mayang aftershocks sa kanilang lugar, ayon kay Mayor Richard Gomez.

Samantala, nagpapagaling na ang isang 11 anyos na batang lalaking nabagsakan ng mga hollow block habang nagaganap ang magnitude 5.8 na aftershock sa parehong lungsod noong Lunes. 

Nagpapagaling na ang 11 anyos na lalaki matapos siyang mabagsakan ng hollow blocks sa likod. Photo by Melanie Bingco, ABS-CBN News

Ayon sa kuwento ng magulang ng bata, may klase pa noong Lunes ng umaga ang mga estudyante, ngunit dahil may mga bitak sa eskuwelahan, pansamantalang inilipat ang klase sa bahay ng kapitan sa Upland Village ng Barangay Gaas. 

Nagdo-drawing noon ang bata nang biglang lumindol at bumagsak ang dingding ng bahay. Nabagsakan naman ng hollow blocks ang likod ng bata. 

Pahirapan din ang pagdadala sa kanya sa ospital dahil sa mga bitak at landslide. 

Isinakay nila sa sa duyan ang bata para maihatid sa naghihintay na rescue vehicle sa kabilang barangay, ayon sa ama ng bata. 

Kasalukuyan namang stable na ang kondisyon ng pasyente, ngunit kailangan pang tingnan ang spine nito dahil maaaring may bali ito at wala sa lugar ang buto, ayon sa doctor na si Dr. Ferdinand Buot. 

Ipatitingin din sa pulmonologist ang bata upang malaman kung bakit medyo hirap ito sa paghinga. 

Ayon naman sa pamilya, tumutulong ngayon ang Department of Education para sa kanilang mga gastusin.


Nagising naman ang mga ‘bakwit’ sa Ormoc nang tumama ang tatlong aftershock sa kanilang lugar kagabi ng alas-10 hanggang kaninang alas-4 ng umaga ng Miyerkoles, ayon kay Gomez

"Hindi naman gaano kalakas kaya lang nalaman ko na iyong mga nasa evacuation center, halos lahat nagising at naghintay kung lalakas pa rin ang aftershocks," ani Gomez. 

"Mabuti naman at walang nagwala at nagtakbuhan."

Patuloy na naghahanap ang local na pamahalaan ng matutuluyan ng ilang residente, lalo na iyong mga nakatira sa faultline. Marami sa kanila ang sumisilong sa mga tent nang biglang bumuhos ang malakas na ulan sa lugar, na kasalukuyang wala pa ring kuryente. 

"Malakas ang ulan dito ngayon kaya nga nakakaawa. Hinahanapan talaga namin ng ibang lugar iyong mga evacuees," aniya.

Maaari ring sa loob pa ng dalawa hanggang tatlong araw bumalik ang kuryente sa lungsod, ayon sa alkalde. 

Kasalukuyang nasa ilalim ng state of calamity ang lungsod simula nang ideklara ito kahapon ng Martes. 

-- May ulat ni Melanie Bingco, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.